PULIS SINAPAK, BINARIL SA RAMBOL NG MGA LASING

MAY kasabihang “ang alak ay ilagay sa tiyan, huwag sa ulo” ngunit hindi ito nangyari sa isang grupo ng kalalakihan na nagrambol at nang magresponde ang mga tauhan ng MPD ay sinapak ang isa sa mga ito at binaril ang isa pang awtoridad ngunit masuwerteng hindi pumutok kaya gumanti ng putok ang pulis na nagresulta sa pagkakasugat ng isa sa mga suspek sa Tondo, Manila noong Linggo ng gabi.

Tinamaan ng bala sa hita ang isang Vicente Ubias y Palacpac makaraang barilin ni P/Cpl. Marvin Floyd Aguilar, nakatalaga sa MPD-Raxabago Police Station 1, habang sinapak naman si Patrolman Boy Apostol ng nasabing suspek.

Agad na humingi ng tulong ang dalawang pulis sa kanilang mga kasama kaya agad na umaksyon ang iba pang mga tauhan ng MPD na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina Ubias, Ruben Diño y Bañez, Flaviano Aron y Maigue Jr., Eduardo Ubias y Palacpac, Richard Melo y Giaz, Agrifino Esteroza Jr. y Sayson at Robert Badong y Mata.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Cenon Vargas Jr., station commander, bandang alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Mel Lopez Boulevard na dating sa Road 10 sa Brgy. 101 sa Tondo.

Unang humingi ng police assistance ang executive officer ng barangay na si Ronald Cusay ng Barangay 101, hinggil sa grupo ng kalalakihang nag-iinuman at lumikha ng kaguluhan.

Kaagad namang nagresponde sina P/Cpl. Aguilar at Pat. Apostol ngunit sinapak ni Ubias ang huli. Pagkaraan ay bumunot umano ito ng baril at pinaputukan si Aguilar ngunit masuwerteng hindi pumutok.

Bunsod nito, bilang depensa sa sarili ay pinaputukan ni Aguilar sa hita si Ubias.

Mabilis namang dumating ang back-up na mga pulis na agad na inaresto ang mga suspek habang dinala sa pagamutan si Ubias.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong direct assault, attempted murder, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms Regulation and Ammunition Act), breach of peace at RO 5555 (Anti-Tobacco Act). (RENE CRISOSTOMO)

187

Related posts

Leave a Comment