SINAMPAHAN sa Office of the Ombudsman ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Falsification of Public Document ang kapitan ng Barangay Kaligayahan, Quezon City at dalawa pang opisyal kaugnay ng reklamong ghost payroll.
Sina Brgy. Captain Alfredo “Freddy” Roxas, Kgwd. Arnel Gabito at Brgy. Treasurer Hesiree Santiago ng nasabing barangay ay inireklamo ni Arjean Abe.
Si Roxas ay Ex-Officio Chairperson, Committee on Barangay Affairs ng Quezon City Hall.
Sa reklamo ni Abe, nagtrabaho umano siya sa Brgy. Kaligayahan bilang isang teacher aide sa Day Care Center noong March 1, 2022, at kada buwan ay tumatanggap siya ng sahod na anim na libong piso (P6,000).
Ngunit dahil kasagsagan ng COVID-19 pandemic noon ay pansamantala siyang itinalaga ni Kap. Roxas bilang taga-isyu ng barangay clearance.
Ayon sa reklamo ni Abe, Enero 31, 2023 nang magpaalam siya kay Roxas na aalis na sa kanyang trabaho.
Agad din daw siyang nagbigay ng kanyang resignation letter na tinanggap naman ni Barangay Treasurer Herisee Santiago.
Dagdag pa ng complainant, matapos niyang maghain ng kanyang resignation noong 31 January 2023 ay hindi na siya nagreport o pumasok sa trabaho sa kanilang barangay.
Ngunit, nagulat umano siya nang malaman nitong nakalipas na Mayo mula sa isang kakilala na kasama pa rin umano siya sa barangay payroll at tumatanggap ng suweldo.
Pirmado rin aniya ang kanyang pangalan sa payroll sheet na katunayan na may tumatanggap ng kanyang sweldo. Ang isa pa sa kanyang ipinagtataka ay sinertipikahan umano ng chairman ng Committee on Appropriations na si Kgwd. Gabito, gayundin nina Kapitan Roxas at Santiago ang payroll.
Bunsod nito, nagsampa si Abe ng reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Falsification of Public Documents laban kina Roxas, Gabito at Santiago.
(PAOLO SANTOS)
