QC CARES, TFD SANIB-PWERSA VS PASAWAY NA PARKING ATTENDANTS

TUTULONG ang QC Cares at ang Task Force Disiplina (TFD)  para disiplinahin ang mga pasaway na “unauthorized parking attendant” sa Timog, Morato Sts., at Mabuhay Lane sa nasabing siyudad.

Sa phone interview kay Task Force Disiplina Head at 2nd District Councilor Rannie Ludovica, may natatanggap siyang mga reklamo laban sa nabanggit na mga parking attendant.

Ayon sa kanya, naniningil ang mga “unauthorized parking attendant” ng P50 hanggang P100 sa bawat sasakyan na pumaparada sa naturang mga lugar.

Kung hindi nagbabayad ang mga ito sa parking attendant dahil sa mahal na singil sa parking fee, ay pineperwisyo ang kanilang mga sasakyan.

Kung hindi ginuguhitan ang body ng sasakyan ay pinapa-flat ang gulong ng mga ito ng mga parking attendant.

Sinabi pa ni Ludovica na may mga reklamo nang nakarating sa barangay hall na nakasasakop sa nabanggit na mga lugar, hinggil sa ginagawang pamemerwisyo ng mga parking attendant sa mga sasakyan.

Kaugnay nito, nagsanib-pwersa ang QC Cares at Task Force Disiplina para magkaroon ng background checking at drug testing laban sa “unauthorized parking attendant”.

Aniya, magiging ka-partner nila ang QC Cares para maisaayos ang mga parking attendant at para mawala ang pananamantala at pamemerwisyo ng mga ito sa mga motorista sa tatlong nabanggit na mga lugar.

Sa pagtataya ni Ludovica, mahigit sa isang daang katao ang parking attendant na umiikot sa Timog, Morato Sts. at Mabuhay Lane.

Idinagdag pa ni Ludovica na ang layunin ng QC Cares at Task Force Disiplina sa pagdisiplina sa mga parking attendant ay hindi para mawalan sila ng hanapbuhay kundi ilagay lamang sa legal ang mga ito.

Ang Quezon City Hall Compound ay mayroong nakatalagang mga unipormadong parking attendant na nangangasiwa sa mga paradahan sa palibot ng QC Hall at kumikita sila sa pamamagitan ng mga bigay sa kanila ng mga pumaparadang mga sasakyan.

Wala umanong kuta o presyong hinihingi ang mga parking attendant sa mga pumaparadang motor at 4 wheels vehicle sa palibot ng Quezon City Hall Compound basta’t kung magkano lang ang ibinigay sa kanilang mga driver nito ay nakukuntento na sila.

Napag-alaman pa mula kay Ludovica na mayroong mahigit sa isang daang kataong unauthorized parking attendant na umiikot sa Timog, Morato Sts., at maging sa Mabuhay Lane na dapat madisiplina at maisaayos nila

Samantala, nasa mahigit tatlumpong (30) tauhan ng Task Force Disiplina ang nakatalaga sa Timog, Morato Sts., at Mabuhay Lane para magbantay laban sa mga sasakyang pumaparada sa “no parking areas”. (JOEL O. AMONGO)

11

Related posts

Leave a Comment