NAKATAKDANG maghain ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara para imbestigahan ng apat na mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) na umaresto kay UP Professor Melania Flores.
“These operatives should be investigated for impersonating government employees, and even entering Prof. Flores’ room when they were not invited in,” pahayag ni ACT Party-list Rep. France Castro.
Bukod dito, nilabag umano ng mga pulis na hindi pa pinapangalanan, ang UP-DILG Accord of 1992 na dapat makipag-ugnayan muna ang mga law enforcer sa UP administration kung mayroon silang operasyon sa loob ng campus.
Sa halip na makipag-ugnayan, nagpanggap umano ang mga pulis na mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para arestuhin ang dating presidente All UP Academic Union.
“Anong klaseng mga law enforcer ang mga ito na sila mismo ay ‘di sumusunod sa batas at ang warrant na inihain nila ay 2021 pa. Napakaraming lapses sa procedure na kanilang nagawa para lang i-harass si Prof. Flores,” ayon pa sa mambabatas.
Nabatid na may kinahaharap umanong kaso si Flores sa Social Security System (SSS) dahil sa hindi pagbabayad sa kontribusyon ng kanyang kasambahay na matagal na aniyang hindi na nagtatrabaho sa kanya.
Kinastigo naman ni Bayan Muna president Neri Colmenares ang SSS dahil ang maliliit na mga employer umano ang kayang-kaya nila habang bilyong-bilyong piso ang hindi nakokolekta sa malalaking mga kumpanya. (BERNARD TAGUINOD)
