MANILA, Philippines – Paano ba dapat gamitin ang artificial intelligence o AI? Kung may idea ka, maaari mong ibahagi ito kay “Rai,” ang AI moderator na nilikha ng Philippine news site na Rappler.
Si Rai ang nagtatrapik ng usapan sa loob ng aiDialogue, ang chat room na ipinakilala ng Rappler nitong Setyembre 16 sa mga lider mula sa sektor ng teknolohiya, gobyerno, negosyo, at civil society na dumalo sa 2023 Manila Social Good Summit sa Taguig City.
Ang misyon ng aiDialogue: mangalap ng mga idea at suhestiyon kung paano haharapin ang potensiyal na perwisyong idudulot ng AI, at paano gagamitin sa makataong paraan at pakinabang ang mga pag-unlad sa teknolohiya.
Sa aiDialogue, inutusan ng Rappler ang chatbot na ChatGPT na gumanap bilang Rai, ang moderator ng focus group discussion.
Titipunin ni Rai ang feedback mula sa users, ibubuod ang mga usapan, at magbabato ng mga tanong sa kalahok sa chat room.
Mula sa mga ito, magrerekomenda si Rai ng mga batas at polisiya na gagabay sa operasyon ng AI systems. Hindi ipakikilala o papangalanan ang mga lalahok sa diskusyon upang mapangalagaan ang kanilang privacy.
“Sumali kayo upang marinig ang boses ng mga Pilipino sa paghubog ng polisiya patungkol sa large language models,” sabi ng Nobel Peace Prize laureate at Rappler CEO na si Maria Ressa nitong 2023 Social Good Summit. Sumubok ang mga nasa summit na kumonekta sa aiDialogue at makipagdiskusyon kay Rai at sa iba pang kalahok.
Sa mga susunod na linggo, maglilibot ang Rappler sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang buksan ang aiDialogue sa mga kalahok. Kung interesado kayong maki-chat sa aiDialogue, mag-email sa openai-experiments@rappler.com.
aiDialogue ay proyekto ng Rappler katuwang ang OpenAI, ang artificial intelligence research laboratory sa United States na nasa likod ng ChatGPT.
Sa 2023 Social Good Summit, na may temang “#TurningTechForGood: From problem to solution,” nagsalita nang live sa video mula sa New York si dating US Secretary of State Hillary Rodham Clinton tungkol sa banta ng paggamit ng AI kung hindi ito magagabayan ng mga batas at polisiya na poprotekta sa mga indibidwal at institusyon.
Nagsalita rin sina Philippine Chief Justice Alexander Gesmundo, Facebook whistleblower Frances Haugen, tech entrepreneur Andrew Keen, at Google global vice president of news Richard Gingras.
