‘RAPIST-KILLER’ NG BIKER SA BULACAN, ARESTADO

BULACAN – Nadakip na noong Huwebes ng umaga ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Police Regional Office (PRO5) at Bulacan PNP ang suspek sa pagpaslang sa isang 15-anyos na dalagita.

Kinilala ni P/Lt. Col. Jacqueline Puapo, OIC provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), ang suspek na si Gaspar Maneja Jr. y Madredano alyas “Jose Francisco Santos”, nadakip sa Barangay Veneracion (Taguilid), Pamplona, Camarines Sur.

Sinampahan ng kasong rape with homicide ang suspek base sa nakalap na mga ebidensiya kabilang ang forensic autopsy report na ang biktima ay positibong ginahasa bago pinatay.

Magugunitang ang biktimang si Princess Marie Dumantay ay natagpuang walang buhay sa isang madamong lugar sa Bustos, Bulacan malapit sa Plaridel By-pass Road noong Agosto 12, 2022 makaraan ang ilang araw na pagkawala ng dalagita.

Ang biktima ay isang bike rider at residente ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Nabatid na nagpaalam ang biktima sa kapatid nitong si Paulo Dumantay noong Agosto 10 bandang alas-8:00 ng umaga na makikipagkita sa isang lalaki na nagngangalang Jose Francisco Santos na aniya’y bibigyan siya ng bisikleta.

Base sa mga witness, bandang alas-5:00 ng hapon ay sinundo ang biktima ng kaibigan nito at nagpahatid sa Commonwealth Hospital kung saan ay nakokontak pa ito dakong alas-8:00 pm hanggang 10:00 pm ngunit bandang alas-10:54 pm ay hindi na nag-reply.

Marami rin ang nagtestimonya na si Gaspar Maneja Jr. alias “Jose Francisco Santos” ang huling kasama ni Princess sakay ng black Toyota Wigo na may plakang EAE 2913.

Nabatid pa na ang suspek ay mayroong tatlong outstanding arrest warrants sa mga kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. (anti-child abuse law), at rape.

Bukod sa criminal complaints ng rape (RA 8353) with homicide ay nahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa Article 178 ng RPC (Using Fictitious Name & Concealing True Name) sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. (ELOISA SILVERIO)

Related posts

Leave a Comment