‘RED-TAGGER’ TANDEM NG SMNI KULONG SA KAMARA

KAPWA nakakulong sa Kamara matapos ma-contempt ang mga tinaguriang red-tagger ng Sonshine Media Network International (SMNI) na sina Jeffrey Celiz at dating National Task Forces-End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy.

Ipinakulong sa Batasan Pambansa Complex nitong Martes ng gabi ng mga miyembro ng House committee on legislative franchises si Badoy dahil umano sa pagsisinungaling.

Sa marathon hearing ng komite sa posibleng paglabag ng SMNI na inabot ng alas-siyete ng gabi noong Martes, tila napikon na ang mga mambabatas kay Badoy dahil sa paglabag sa Section 11 ng House Rules.

“Section 11 refusal to answer in a relevant inquiry acting in a disrespectful manner because she was found lying Mr. Chair that would be my reason to make a motion to declare her in contempt,” ayon sa mosyon ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. na sinegundahan ni Antipolo Rep. Romeo Acop.

Nag-ugat ang contempt sa hindi pagsasabi ni Badoy kung magkano ang kinikita nila ng co-host na si Celiz sa mga advertisement sa kanilang programang “Laban Kasama ang Bayan”.

Naunang na-contempt si Celiz dahil naman sa pagtangging pangalanan ang kanyang source hinggil sa P1.8 billion travel expenses umano ni House Speaker Martin Romualdez.

Unang sinabi ng abogado ng SMNI na si Atty. Mark Tolentino na bukod sa P100,000 monthly salary ni Badoy ay may 25% share pa ang mga ito sa advertisement habang ang 50% ay maiiwan sa network.

Dahil dito, tinanong ni Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez kung sino ang kanilang mga advertiser na sinagot ni Badoy ng e-fuel, a food cart at Galileo water.

Subalit duda si Parañaque Rep. Gus Tambunting dahil mistulang walang alam si Badoy ukol sa kanilang mga advertiser.

“Hindi ba kung kayo ay may revenue dapat alam nyo kung saan ang source ng revenue…. para alam nyo na tama yung 25% na makukuha nyo,” tanong ni Tambunting na sinagot ni Badoy ng “Mr. Chair, I honestly don’t care about the money that’s the truth.”

Hindi nakumbinsi si Tambunting kaya sumabat si Laguna Rep. Dan Fernandez dahil lumalabas na ang mga pinagsasabi ni Badoy ay taliwas sa mga dokumentong isinumite ng SMNI sa komite.
“Clearly nagsisinungaling kayo Mam Badoy, dahil ang sinasabi nyo kumikita kayo sa pagiging co-producer pero hindi nakalista sa breakdown ng inyong revenue…. Sabi mo may tatlong nag-a-advertise,”ani Fernandez kaya nagmosyon na si Abante na i-contempt si Badoy na agad inayunan ni Tambunting at walang tumutol.

Sa hiwalay na mosyon ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, ikukulong si Badoy hanggang hindi maaprubahan ang magiging report ng komite, kung babawiin o hindi ang Swara Sug Media Corporation na ginagamit ng SMNI sa plenaryo ng Kamara.

Kaugnay nito, nilektyuran naman ni Acop si Badoy ukol sa pagmamahal sa bayan matapos aprubahan ang contempt laban sa kanya.

(BERNARD TAGUINOD)

101

Related posts

Leave a Comment