RESIDENTE NG CSJDM TUTOL SA HUC

TINUTUTULAN ng nakararaming residente ng City of San Jose Del Monte sa Bulacan na maging Highly Urbanized City ang nasabing lungsod dahil hindi pa umano ito handa na maging isang fully independent city.

Ito ang tiniyak ni District 2 City Councilor Romeo Agapito kaugnay ng nalalapit na Plebesito na gaganapin kasabay ng nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Election sa Oktubre 30, 2023 hinggil sa planong ihiwalay ang CSJDM sa provincial government ng Bulacan.

Sa panayam kay Agapito, mahigpit nitong tinututulan ang pagiging isang highly urbanized city ng kanilang lungsod kabilang na rin ang nasa 70% mga residente rito na hindi rin aniya pumapabor na maging ganap itong independent city.

Ilan sa mga dahilan na hindi angkop na maging HUC ang CSJDM ay dahil hindi kakayanin ng mga residente rito ang magiging mataas na singil sa buwis gayong wala namang trabaho ang nasa 60% na San Joseños.

Magdudulot aniya lalo ng pahirap sa mga residente ang pagtaas ng mga buwis oras na maging HUC ang lungsod.

Kulang din ang lungsod sa mga industriya at pabrika na siya sanang pagkukunan ng trabaho ng 72% mahihirap na residente na pawang low income earners at dayuhan relocatees na nagsisimula pa lang mamuhay sa CSJDM.

Ayon kay Agapito, mawawala rin lahat ang mga insentibo at benepisyo ng mamamayang San Joseños partikular na ang mother leaders, barangay health workers, Lingkod Lingap sa Nayon (LLN) volunteers na umaasa sa suporta ng provincial government.

Tiniyak ni Agapito na sakaling maging ganap na HUC ang Lungsod ng SJDM ay mapuputol nang lahat ang mga tulong at suporta mula sa kapitolyo na magdudulot ng dagdag pahirap sa kanilang mga kababayan.

Sinabi ni Agapito na P1.9-bilyon ang mababawas na pondo sa lalawigan ng Bulacan kapag naging HUC ang CSJDM na siya namang pinakikinabangan ng mga residente ng lungsod buhat sa mga suporta na nanggagaling sa kapitolyo.

(ELOISA SILVERIO)

228

Related posts

Leave a Comment