INIUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagpapalabas ng Show Cause Order sa rehistradong may-ari ng sasakyan na naaksidente sa kalsada ngunit piniling tumakas sa Makati City.
Ang utos ni Mendoza ay bilang tugon sa paghingi ng tulong ng may-ari ng sasakyan na nabangga ng kulay kahel na MG ZS na may plakang NIF 2282, sa kahabaan ng southbound ng Ayala Tunnel sa Makati City noong Oktubre 23.
Sa Facebook post, sinabi ng driver ng sasakyan na may kasama siyang dalawang senior citizen at isang bata nang mabangga ang kanilang sasakyan ng sasakyang MG ZS mula sa likuran. Ang insidente ay nakunan ng dashcam.
Ngunit sa halip na huminto para managot, pinaharurot ng driver ang sasakyan.
“Tayo ay nagpapasalamat sa tiwala ng ating kababayan noong i-tag ang ating Facebook account sa kanyang social media post. Kaugnay nito, inatasan ko na ang LTO-National Capital Region sa pamumuno ni Regional Director Roque Verzosa III, na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa insidenteng ito,” ani Mendoza.
“Inaasahan ko ang pagpapalabas ng isang Show Cause Order sa rehistradong may-ari na maaaring humantong sa pagkakakilanlan ng taong nagmamaneho ng sasakyang ito sa oras ng aksidente,” dagdag niya.
Kaugnay nito, tiniyak ni Mendoza sa biktima na personal niyang susubaybayan ang pag-usad ng imbestigasyon sa kaso.
Ang aksyon ng LTO ay naipasa na sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista.
“Makakaasa ang uploader ng video na personal kong tinutukan ito. Inatasan ko rin ang LTO-NCR na makipag-coordinate sa kanya para sa nararapat na legal na aksyon,” ani Mendoza.
(PAOLO SANTOS)
167