(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NAGPAHAYAG ng pagkadismaya ang mga retiradong opisyal ng sundalo at pulisya laban sa liderato ni House Speaker Martin Romualdez.
Sa pamamagitan ng open letter na ipinakalat kahapon, hiniling ng mga retiradong heneral ang pagbibitiw sa pwesto ni Romualdez dahil umano sa mga korupsyon sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Inakusahan ni dating National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Chief Maj. General Alex Paul Monteagudo kasama ang ilang retirees mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na itinataguyod ni Romualdez ang ‘unsustainable’ na mga national budget na nagreresulta sa korupsyon.
Kanila ring pinuna ang aabot na sa P15.589T na pagkakautang ng Pilipinas hanggang nitong Agosto ng taong kasalukuyan.
Hindi rin umano sila pabor sa pagsuporta ni Romualdez sa P6.352T pambansang budget para sa 2025 na kung tutuusin anila ay lagpas sa projected national revenue na P4.64T.
Ito ay dahil mangangahulugan ito ng P1.712T deficit ng bansa.
Naniniwala rin ang mga dating opisyal na ginagamit ni Romualdez ang bahagi ng pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa isang pekeng ‘People’s Initiative’ para magkaroon ng constitutional amendments.
33