CAVITE – Namatay ang isang rider at angkas niyang live-in partner, habang sugatan naman ang driver ng isang Honda Civic Sedan na una niyang nakabanggaan saka bumangga sa isang Toyota Corolla sa Imus City noong Miyerkoles ng umaga.
Dead on the spot ang driver ng motorsiklo na si Rolando Villaflor Hugo Jr., 42, habang sa Ospital ng Imus isinugod si Vernadeth Palermo Soliman, 52, kapwa residente ng Sabang, Dasmariñas City, ngunit idineklarang dead on arrival.
Isinugod naman sa Our Lady of Pilar Hospital si Carlo Del Rio Abrenica, 33, driver ng Honda Civic Sedan, na may plakang WLB-453, at residente ng Bucandala IV, Imus City, Cavite.
Kinilala naman ang driver ng Toyota Corolla Sedan, na may plakang PLT-674, na si Eric Olaes Vileta, 42, ng Imus City, Cavite.
Ayon sa ulat ni Police Staff Sergeant John Carlo C. Punzalan ng Imus City Police, dakong alas-5:20 ng umaga nangyari ang insidente sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Bayan Luma VII, Imus City.
Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklong Honda at angkas nito ang kanyang live-in partner habang binabagtas ang outer lane ng Aguinaldo Highway patungo sa direksyon ng Dasmariñas City.
Ngunit nakabanggaan nito ang minamanehong Honda Civic Sedan ni Abrenica na binabagtas naman ang shoulder lane sa nasabi ring kalsada.
Dahil sa insidente, bumangga ang Honda Civic Sedan sa poste ng kuryente habang ang motorsiklo ay bumangga naman sa isang Toyota Corolla Sedan na minamaneho ni Villeta, na noon ay nag-u turn patungo sa direksyon Dasmariñas City
Dead on the spot ang driver ng motorsiklong Honda habang ang live-in partner nito ay idineklarang dead on arrival sa ospital. Patuloy namang inoobserbahan ang driver ng Honda Sedan na isinugod sa ibang ospital.
(SIGFRED ADSUARA)
