RIDER PATAY, ANGKAS SUGATAN SA STEEL RAILING

CAVITE – Hinihinalang dahil sa pagmamaneho nang nakainom kaya kamatayan ang sinapit ng driver ng isang motorsiklo habang sugatan ang angkas nito nang bumangga sa center island ng kalsada sa Imus City nitong Linggo ng madaling araw.

Dead on the spot ang biktimang si Reynaldo y Dasig, 21, binata, ng Brgy. San Agustin 2, Dasmariñas City, habang sugatan ang angkas nito na si Christian Gabiana, binata, 23, ng nasabi ring address.

Ayon sa ulat ni Corporal Ryan Plaza ng Imus City Police Station, dakong alas-2:50 kahapon ng madaling araw nang mangyari ang insidente.

Minamaneho ng biktima ang kanyang itim na motorsiklong Euro at binabagtas ang kahabaan ng Daang Hari Road patungo sa direksyon ng Vermosa.

Ngunit pagsapit sa Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City, Cavite nang bumangga ito sa center island ng kalsada.

Dahil sa lakas ng pagkakabanga, tumilapon ang driver at tumama sa steel railing na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan habang ang angkas nito ay sa kalsada bumagsak.

Gayunman, tumanggi ang angkas ng motorsiklo na magpadala sa ospital.

Ayon sa imbestigador, kapwa nakainom ang dalawang biktima nang mangyari ang insidente. (SIGFRED ADSUARA)

123

Related posts

Leave a Comment