MASUSING iniimbestigahan ng mga operatiba ng Manila Police District ang riding in tandem upang mabatid kung may kinalaman ang mga ito sa holdapan sa lugar makaraang makumpiskahan ng dalawang .45 kalibreng baril noong Miyerkoles ng umaga sa panulukan ng Vazquez at J. Nakpil Streets, Malate, Manila.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to BP 88, at Omnibus Election Code of the Philippines, si Chris Jefferson Sevilla, 24, at isang 17-anyos na estudyanteng binatilyo.
Base sa ulat ng mga tauhan ng Remedios Police Community Precinct na sina Police Corporal Vi Jay Obarra, P/Cpl. El-ar Malonzo kasama sina P/Cpl. Mark Christian Apan, P/Cpl. Benedixon Guma-ad at P/Cpl. RickmonBorras, bandang alas-6:30 ng umaga, nagsasagawa sila motorized patrol sa kanilang area of responsibility (AOR), nang mamataan ang riding in tandem na lulan ng motorsiklyong walang plaka.
Sinita ng mga ito ang mga suspek na nadiskubreng armado ng dalawang .45 kalibreng baril na kargado ng lima at apat na bala.
(RENE CRISOSTOMO)
