UMULAN ng mga bato at bote sa pagitan ng dalawang grupo ng mga kabataan sa nangyaring riot ngunit agad nasawata ng mga tauhan ng
Manila Police District at nadakip ang isang 22-anyos na lalaki na nakumpiskahan ng pen gun sa Mel Lopez Boulevard, Tondo, Manila, noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang nadakip na si Romeo Calisa, jobless, ng Barangay 105, Tondo.
Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., commander ng MPD-Raxabago Police Station 1, bandang alas-6:40 ng gabi nang makatanggap ang kanyang opisina ng ulat na may nangyayaring gang war sa nasabing lugar.
Nauna nang nagsasagawa ng “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti- Criminality Law Enforcement Operation ang mga tauhan ni Ibay na lulan ng motorsiklo, nang mamataan ang nangyayaring riot ng mga kabataan.
Nang makita ng magkabilang grupo ang paparating na mga operatiba, kanya-kanyang pulasan ang mga ito hanggang makorner ang suspek na nakumpiskahan ng improvised firearm (pen gun) na may isang bala. (RENE CRISOSTOMO)
