ROBIN NILEKTYURAN NG KABABAIHAN

“NO means no.”

Ito ang panglelektyur na ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kay Senador Robin Padilla ukol sa marital rights na tinalakay sa hearing sa Senado kung saan nakipagtalo pa ito kay abogado Lorna Kapunan.

Hindi naitago ng kinatawan ng kababaihan sa Kamara ang pagkabahala sa nosyon ng senador na may karapatan ang mga kalalakihan na makipagtalik sa kanilang misis kahit ayaw ng babae.

“We remind Sen. Robin Padilla that no means no. Hindi dapat ituring na sexual objects ang kababaihan. It is appalling to hear such outdated and harmful views being propagated, particularly in a public hearing. Consent is non-negotiable, and marriage does not grant a license to disregard a partner’s rights,” ayon pa kay Brosas.

Lalong iginiit ng mambabatas na dapat palakasin pa ang anti-rape law dahil sa ganitong pananaw ng mga katulad ni Padilla upang maproteksyunan ang kababaihan na biktima ng kanilang mister.

Sinabi ng kongresista na nakahain na ang kanyang House Bill (HB) 401 para palawakin pa ang depinisyon ng rape at masakop nito ang mga kababaihan na biktima ng pang-aabuso ng kanilang mister o pinipilit na makipagtalik kahit ayaw ng mga ito sa iba’t ibang kadahilanan.

“Ang consent ay kusang ibinibigay at hindi pinipilit. Panahon pa ni kopong-kopong ang pagtingin na walang karapatan ang babae na humindi sa pakikipagtalik sa asawa. This is why the Anti-Rape Law should be amended to ensure that our laws are reflective of the evolving understanding of consent and the increasing instances of sexual abuse in various contexts,” ayon pa sa lady solon.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa liderato ng Kamara na bigyan ng prayoridad ang nasabing panukala dahil wala na umano sa panahon ang anti-rape law.

(BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment