ROMUALDEZ HINIYA SA JAPAN

VIRAL sa social media ang video kung saan muntik matusok ng stick ang mata ni House Speaker Martin Romualdez mula sa isang Pinoy na bumati sa kanya sa Japan.

Pinagkatuwaan ng mga netizen ang video dahil naniniwala ang mga ito na intensyon ng Pinoy na isa umanong supporter ni Vice President Sara Duterte na hiyain si Romualdez.

Hawak ng lalaking supporter ang Philippine flag na nakalagay sa stick at placard na nagsasaad ng “Please support VP Inday Sara Duterte.”

Nang mabasa ni Romualdez ang nakasulat ay agad itong sumagot ng “of course” at nagpakuha pa ng larawan kasama ang lalaki.

Maririnig din sa nasabing video ang boses ng isang babae na nagsabing “Salamat sa pag-api mo kay Ka Eric (Celiz), mali pa yun,” na tinugon ni Romualdez ng ‘thumbs up’.

Kaugnay nito, sinabi ni Romualdez na hindi lang si VP Duterte ang dapat suportahan at irespeto kundi ang lahat ng opisyales ng gobyerno.

“I agree with the overseas Filipino worker who greeted me in Japan with a placard bearing a significant message. We should all support and respect the Vice President. The same respect and support that we should extend to the President and other government officials,” ani Romualdez.

Kasama si Romualdez sa delegasyon ng Pilipinas na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa ASEAN summit sa Japan nang salubungin ito ng isang OFW para magpa-picture subalit iniladlad nito ang placard para hilingin na suportahan nito si Duterte.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Romualdez at Duterte nang tanggalin bilang Senior Deputy Speaker si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Nagbitiw ng salitang “Tambaloslos” si Duterte nang pasaringan nito ang isang hindi pinangalanang opisyal ng gobyerno subalit marami ang naniniwala na si Romualdez ang kanyang binabanatan.

Lalong lumayo ang distansya nina Romualdez at Duterte nang ayunan ng Kamara ang pagtanggal sa confidential funds ng huli sa ilalim ng 2024 national budget.

(BERNARD TAGUINOD)

189

Related posts

Leave a Comment