INIHAYAG ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na isang direktang hamon sa kakayahan ng Philippine National Police (PNP) ang lantaran at walang takot na pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo nitong Sabado ng umaga, sa loob mismo ng kanyang bakuran, at sa harapan pa ng maraming tao.
Ayon kay Speaker Romualdez, dapat nang matigil ang sunud-sunod na high profile crimes sa bansa upang maibalik ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.
Nauna rito, dakong alas-9:00 ng umaga ay sinugod ng anim na armadong lalaki ang tahanan ng gobernador at pinagbabaril ito habang namamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan o 4Ps.
Ang insidente ay nagresulta sa pagkamatay ni Degamo at pagkasugat din ng ilang sibilyan na dumalo sa naturang aktibidad.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang naturang mga karahasan ay walang kapatawaran at nararapat lamang na kaagad matuldukan.
Hinamon din ng lider ng Kamara de Representantes ang PNP na agarang itigil ang naturang ‘lawlessness’ at ibalik ang kapayapaan sa mga komunidad.
“This act of violence is reprehensible. This is a direct challenge to the authorities,” anang mambabatas ng unang distrito ng Leyte.
“Hindi na pwede ang puro pangako. Kailangan natin ng agarang aksyon,” giit pa niya.
Ang pagkamatay ni Degamo ang pinakahuling insidente sa serye ng mga karahasan laban sa mga politiko sa bansa.
Una rito, pinulong ni Speaker Romualdez ang mga opisyal ng PNP kaugnay ng naturang high profile crimes at siniguro aniya sa kanya ng PNP Chief na gagawin nila ang lahat para matigil ang mga patayan na nangyayari sa bansa.
Anang mambabatas, kailangang umaksyon na ngayon ang mga otoridad upang hindi tuluyang mawala ang tiwala sa kanila ng mamamayan.
“Tulad ng mga kababayan natin, ayaw kong mawalan ng tiwala sa ating kapulisan,” ani Speaker Romualdez. “I expect the national police to act with dispatch in arresting those responsible for this dastardly act. Stop lawlessness in the land and restore peace and order in our communities. That is your sworn duty.”
“Tama na ito. Tigilan na natin ang karumal dumal na krimen. We shall the use the force of the whole government to go after the perpetrators,” dagdag pa niya.
