QUEZON – Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at ng lokal na mga mangingisda ang mga pasahero ng RORO vessel na sumadsad sa karagatang sakop ng bayan ng San Andres sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.
Ayon sa report ng Coast Guard District Southern Tagalog, patungo sa San Andres Port sa Southern Quezon ang barkong MV Virgen De Peñafrancia I nang sumadsad ito sa mababaw na bahagi habang papalapit sa port dakong alas-4:00 ng hapon.
Ayon sa kapitan ng barko, malalakas na alon at poor visibility ang dahilan kaya napadpad sila sa mababaw na bahagi at sumayad.
Agad namang nagresponde ang mga awtoridad at sa tulong ng lokal na mga mangingisda na nag-deploy ng apat na bangka, ligtas na nadala sa Philippine Ports Authority terminal ang 45 pasahero.
Nagpaiwan naman ang 31 crew members para imaniobra ang RORO at maibalik sa malalim na bahagi.
Agad ding ininspeksyon ng mga diver ng Maritime Industry Authority ang ilalim o hull ng RORO at wala namang nakita na posibleng panggalingan ng tagas ng langis.
Dakong alas-7:00 ng gabi, matagumpay na na-angkla ang barko sa San Andres port. Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
89