RUTA NOONG 2020 HINDI BINAGO PARA SA TRASLACION 2024

HINDI binago ang ruta ng traslacion sa pagdiriwang ng Itim na Nazareno sa kapistahan ng Quiapo, Manila sa darating na Enero 9, 2024.

Ito ay matapos ianunsyo ng mga organizer ng 2024 Feast of the Black Nazarene traslacion, noong Sabado, Disyembre 16, na susundin nila ang rutang ginamit sa 2020 grand procession.

Ang anunsyo ay ginawa pagkatapos ng ‘walkthrough’ sa umaga para sa Enero 9 na traslacion, simula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park at hanggang sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa Quezon Boulevard, na pinamunuan ni MPD OIC Director Police Colonel Arnold Thomas Ibay.

Ang ‘walkthrough’, na tumagal ng mahigit dalawa at kalahating oras, ay isinagawa upang matiyak ang kaligtasan ng libo-libong mga deboto.

Base sa dinaanang ruta, magsisimula ang prusisyon sa Quirino Grandstand, kaliwa sa Katigbak Street; dadaan sa Padre Burgos Street; at sa kahabaan ng Finance Road, Carlos Palanca Sr. Street, Arlegui, Fraternal, Vergara, Duque de Alba, Castillejos, Farnecio, Nepomuceno, Concepción Aguila, Carcer, Hidalgo, Bilibid Viejo, Gil Puyat, at J.P. De Guzman Streets; sa ilalim ng Quezon Bridge; at Villalobos Street patungo sa Plaza Miranda sa labas mismo ng simbahan.

Ito ang unang pagkakataon na babalik ang traslacion sa dati nitong format matapos masuspinde ang selebrasyon mula 2021 hanggang 2023 dahil sa COVID-19 pandemic.

Ang huling prusisyon noong 2020 ay may tinatayang tatlong milyon ang kalahok na sumama sa mas maikling rutang traslacion na tumagal ng 16-oras.

(RENE CRISOSTOMO)

219

Related posts

Leave a Comment