TINATAYANG mahigit 300 pulis ang ipakakalat ng pamunuan ng Manila Police District upang magbantay sa seguridad sa pagdiriwang ng Chinese New Year o Year of the Water Rabbit, sa Chinatown sa Binondo, Manila.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, hepe ng Public Information Office ng MPD, bandang alas-3:00 ng hapon noong Miyerkoles nang isagawa ang send-off ceremony sa mga pulis sa Plaza San Lorenzo Ruiz sa Binondo, sa pangunguna ni Police Colonel Raul Tacaca, Deputy District Director ng MPD.
Bukod sa seremonya ay nagsagawa rin ng ‘showdown inspection’ at ‘mastering’ ng equipment na gagamitin para sa nasabing pagdiriwang sa Enero 21 hanggang 22, 2023.
Gayunman, kahit wala sa seremonya si MPD Director, Police Brigadier General Andre Perez Dizon, inatas nito sa kanyang mga tauhan ang mahigpit na pagbabantay sa buong Binondo area tulad ng pagbabantay sa katatapos lamang na kapistahan ng Quiapo, Sto. Niño de Tondo at Sto. Niño de Pandacan noong nakaraang linggo.
Bagamat may ilang mga pagbabago dahil sa pandemya dulot ng COVID-19, siniguro ni Dizon na mahigpit pa ring ipatutupad ang health protocols sa lugar. (RENE CRISOSTOMO)
