Sa napatay na 3 kalalakihan sa Sultan Kudarat 8 PULIS KINASUHAN NG MURDER, ADMINISTRATIBO

NAHAHARAP sa kasong murder at administratibo ang walong miyembro ng Philippine National Police ( PNP) na umano’y sangkot sa pagpatay sa tatlong kalalakihan sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation – National Capital Region at NBI-Central Mindanao Regional Office sa Department of Justice (DOJ), kinilala ang mga sinampahan ng kaso na sina Police Major Jenahmeel Toñaco, Police Senior Master Sergeant Syril Mahaddi, Police Corporal Elpidio Garlit, Police Corporal Joffrey Apalla, Patrolman Nicol Dion Toreja, Patrolman Basser Mako, Pat. Mario Rombada Jr., at Pat. Roldan Claveria, pawang nakatalaga sa Lambayog Police Station.

Base sa ulat na isinumite kay NBI-Director Medardo De Lemos, nagbunsod sa ikinasang joint investigation ang Senate Resolution ni Senator Robin  Padilla na humiling sa NBI na magsagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ng mga biktima.

Depensa ng mga suspek, habang nagpapatupad sila ng checkpoint sa kanilang area of responsibility (AOR) noong Disyembre 2, 2022 bandang alas-12:40 ng madaling araw ay nagkaroon ng armed confrontation sa tatlong lalaking sakay ng motorsiklo na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.

Pero base sa imbestigasyon at testimonya ng mga testigo, wala umanong isinagawang checkpoint sa pinangyarihan ng insidente.

Nabatid din sa resulta ng eksaminasyon, ang lokasyon at trajectory ng gunshot wound sa mga biktima ay nagpawalang-bisa sa argumento na nagkaroon ng armadong tunggalian sa pagitan ng mga pulis at mga biktima. (RENE CRISOSTOMO)

118

Related posts

Leave a Comment