Sa pagpatay sa kagawad, pagkasugat ng waitress MURDER, FRUSTRATED HOMICIDE VS EX-ARMY

NAHAHARAP sa kasong murder at frustrated homicide ang isang dating sa sundalo dahil sa pamamaril sa isang resto bar na ikinamatay ng isang barangay kagawad at ikinasugat ng isang waitress sa J. Nakpil Street, Ermita, Manila noong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Police Captain Wilbert Aticao, hepe ng Remedios PCP sakop ng Manila Police District – Station 5, kahit naka-clamp ang gulong ng kotse ng suspek na si Rolly Algarne y Ibañez, residente ng North Caloocan, pinilit pa rin nitong pinaharurot ang kanyang sasakyan ngunit nasundan nina Police Staff Sergeant Arnel Espeña at Police Corporal Vijay Obarra at nasukol ito at naaresto sa Remedios Street malapit sa isang Barangay Hall.

Magugunitang pinagbabaril ng suspek sa loob ng resto bar ang biktimang si Jesus Carmona, barangay kagawad at manager ng nasabing establisimyento.

Gayunman, tinamaan ng ligaw na bala ang isang waitress na nasa maayos nang kalagayan sa Ospital ng Maynila.

Nauna rito, dakong alas-11:00 ng gabi noong Huwebes, umiinom ang kagawad sa loob ng mina-manage nitong resto bar dahil kaarawan ng isa niyang tauhan,

Sa itaas ng gusali ay may isa pang resto bar kung saan naman umiinom ang dating sundalo.

Sinita umano ng biktima ang suspek na iayos ang pagparada ng sasakyan nito at huwag itatapat sa mina-manage niyang resto bar.

Kinabukasan, lasing umanong bumaba ang suspek at nang makitang naka-clamp ang kanyang sasakyan ay pumasok sa bar at pinagbabaril ang biktima. Sa kasamaang-palad ay tinamaan din ng bala ang isang waitress. (RENE CRISOSTOMO)

309

Related posts

Leave a Comment