Sa pagsisimula ng Simbang Gabi PNP NASA FULL ALERT STATUS NA

SIMULA ngayong araw, naka-full alert ang buong puwersa ng Philippine National Police para sa pagsisimula ng Simbang Gabi.
Ayon kay PNP Chief Pol. Gen. Rodolfo Azurin Jr., aabot sa 192,000 o katumbas ng 85% na bilang ng mga pulis ang nakatakdang ipakalat sa iba’t ibang lugar sa bansa para masiguro ang seguridad ngayong holiday season.

Ani Azurin, maaga silang nagdaos ng Christmas party para paghandaan ang christmas break.

Inihayag ni Gen. Azurin, naglabas siya ng direktiba sa mga pulis para dagdagan ang kanilang presensya sa mga simbahan.

Ayon naman kay NCRPO chief, Maj. Gen. Jonnel Estomo, ginagarantiyahan niya na ang regional offices at ang limang police districts na Northern Police District, Quezon City Police District, Manila Police District, Eastern Police District, at Southern Police District ay handang rumesponde sa anomang sitwasyon ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sa Maynila, 61 simbahan ang tututukan ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre Dizon na nagpapakalat na ng sapat na bilang ng mga pulis na magbibigay ng seguridad para masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa Simbang Gabi.

Sa Balitaan ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) na idinaos sa Century Seafood Restaurant, sinabi ni Dizon, sisimulan nila ang deployment ng PNP personnel sa mga istratehikong lugar, sa pagsisimula ng Simbang gabi sa madaling araw ng Disyembre 16.

“Madaling araw pa lamang ay magde-deploy na kami ng PNP personnel sa 61 Catholic churches ng mobile patrol. Pinaayos naming lahat ng blinkers in such a way na malayo palang po ang mga miyembro ng komunidad ay makikita na nila na may awtoridad o pulis,” ani Dizon.

Ipupwesto ang mga pulis sa mga pangunahing lugar gaya ng malls, simbahan, palengke, terminals at iba pang matataong lugar.

Partikular na babantayan sa Maynila ang mga simbahan sa Sto. Niño sa Tondo, at Sto. Niño sa Pandacan.

Gayundin ang Manila Cathedral sa Intramuros;  San Agustin Church; Sta. Monica Church sa Dagupan Street sa Tondo; Espiritu Church sa Rizal Avenue; San Roque  Church sa Sta. Cruz; simbahan sa loob ng La Loma Cemetery; Sta. Cruz Church; Paco Church; Sta. Ana Church; Malate Church; St. Paul Church; Pope Pius Church; Saint Joseph Church at iba pa.

Tiniyak din ni Dizon na regular na magpapatrulya ang mga pulis na lulan ng mobile car, motorsiklo at bisikleta. (JESSE KABEL RUIZ/RENE CRISOSTOMO)

31

Related posts

Leave a Comment