Sa pagsugpo sa plastic wastes DENR MAGPAPASAKLOLO SA PRIVATE SECTOR

PARA pangalagaan ang kalikasan, tinitingnan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang posibleng partnership nito sa mga kumpanya sa bansa upang makabuo ng plastic waste management action roadmap, bilang bahagi ng pangako ng ahensya na ma-regulate ang plastic packaging at mabawasan ang mga basura.

Ito ay matapos na maimbitahan ang mga kinatawan ng private sector bilang panelists at ibahagi ang kanilang pagsisikap upang makamit ang sustainable economic growth sa ginanap na DENR Multi-stakeholder Forum noong Oktubre 7 sa Maynila.

Sinabi ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, ito ay may layuning makibahagi ang buong society, at tinitingnan ang pagkakaroon ng mga oportunidad para sa strategic partnership sa pribadong sektor matapos na mangako ang lahat ng panelists na tutulong sa ahensiya para sa pangangasiwa ng plastic waste.

“In many ways, the work of the environment and natural resources management intersects the commercial and private interest of the major conglomerates, and so we are very keen to involve them strategically. There are opportunities that are going to be wide open for us to explore and to detail in the coming weeks,” saad ni Loyzaga sa press briefing.

Kaugnay nito, sa ginanap na forum, nangako si JG Summit Holdings Inc. president at CEO Lance Gokongwei na makabuo ng polisiya kasama ang kanilang mga stakeholders partikular na ang DENR para pamahalaan at pagbutihin ang “circulatory” ng plastic.

Parehas din ang naging sentimyento ni Vista Land and Lifescapes president at CEO Manuel Paolo Villar at tiniyak din nito sa DENR na nakahanda itong tumulong upang makabuo ng mga polisiya para sa kapaligiran habang patuloy na isinusulong ang economic development.

Kapwa naman nangako at nagpahayag na susunod sa misyon ng DENR sina San Miguel Corporation president at CEO Ramon, Ang at SM Prime Holdings chair Hans Sy, na matagal na ring katuwang ng ahensiya sa paglilinis at rehabilitasyon ng maruruming sapa at iba pang daluyan ng tubig.

Nakahanda naman na maging ka-partner ng DENR ang Ayala Corporation, ito ay base na rin kay associate director Mariana Zobel de Ayala na ang kumpanya ay gumagamit na plastic sa paggawa ng pagmumulan ng construction materials at pagkakaroon ng plastic garbage collection points.

Nagpahayag din ng suporta sina First Philippine Holdings Inc. chair at CEO Federico Lopez at International Container Terminal Services Inc. executive vice president Christian Razon Gonzales sa environmental mission ng DENR. (PAOLO SANTOS)

30

Related posts

Leave a Comment