Sa ‘pang-aapi’ ng DPS at pulisya MANILA VENDORS NAGPAPASAKLOLO

KUMPLIKADO ang mga kinakaharap na kaso ngayon ng isang police major ng PNP-Station 11 at mga opisyal ng Department of Public Services (DPS) matapos ireklamo ng paglabag sa karapatang-pantao, pangingikil at pag-abuso sa tungkulin ng mga manininda sa iba’t ibang palengke sa Maynila.

Base sa salaysay ng mga vendor mula sa Quiapo at Recto, Maynila, walang palya sa loob ng dalawang taon ang panghihingi umano sa kanila ng isang Police Major ng mga prutas na halos nagkakahalaga ng P50,000 hanggang P80,000 kada linggo kapalit ng hindi paghuli sa kanila sa puwesto.

Napag-alaman pa na madalas umanong ipanakot ng pulis ang “mayor” na sinasabing nag-utos sa kanya para hingan sila ng tarya.

Dahil dito, nananawagan ang mga vendor kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na aksyunan ang kanilang sentimyento sa araw-araw na panghuhuli sa kanila ng DPS at pulisya.

Sa Carriedo naman, simula 2019 ay hindi umano inisyuhan ng permit ng city hall ang mga vendor sa kahabaan ng nasabing kalsada.

Ito rin umano ang utos ni “Yorme”  na ang tinutukoy ay si dating Manila Mayor Isko Moreno na ngayon ay umaaktong city administrator ng lungsod.

Pinalitan ng parking space for rent ng local government ang nalinis na area, pero sinisingil pa rin anila ang mga vendor ng P70 to P80 kada araw kahit hindi sila binigyan ng permit.

Tinukoy nila ang tagakolekta ng pera na dating chairman na nagngangalang alyas Bannie. Ang deklarasyon umano ni ‘Bannie’ ay in-appoint siya bilang organizer ni ex-Mayor Isko at ngayon naman ni Mayor Honey Lacuna.

Pero sa loob ng tatlong taon ay walang naipakitang papeles o anomang ID at pruweba si ‘Bannie’ kung napupunta nga ba sa city hall ang collection sa vendors.

Gamit ding panakot ni ‘Bannie’ ang utos aniya ng alkalde na kapag tumanggi ang vendors agad magpadala ng Manila police na kargado ng armalite para maningil. Ang laging sinasabi ni Bannie “noong panahon ni Isko, sabi noon ni Yorme, ngayon naman sabi ni mayora, tuluy-tuloy ito,” reklamo ng mga vendor.

Tinawag namang abusado ng vendors ang DPS at inakusahan ng paglabag sa karapatang-pantao na sa tuwing clearing operation ay hindi na ibinabalik ang mga paninda, sinisira rin ang kanilang mga gamit o kaya pinagagamit sa local government units.

Dumating din sa puntong nagkabarilan ang manininda at organizer sa Quiapo dahil sa puwersahang paghuli at pagkumpiska kung saan dalawa ang nasawi.

Magugunitang kinasuhan ng plunder kamakailan ng Divisoria vendors sina Moreno at Lacuna kasama ang buong Team Asenso kaugnay ng sikretong bentahan ng Divisoria Public Market.
Iligal din umanong isinara ng Team Asenso ang lahat ng stalls sa nasabing palengke para hindi na sila makapagtinda.

Pormal na ring nagsampa ng amended complaint si Emmanuel Plaza, presidente ng Divisoria Public Market para isama sa kasong plunder si Mr. George Chua na siyang nakabili ng public market at may-ari ng Festina Holdings Co. (JULIET PACOT)

137

Related posts

Leave a Comment