SA PANONOOD LANG NG F1 MABILIS SI BBM – SOLON

PINATUTSADAHAN ng isang mambabatas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mabilis lang ito kapag inimbitahang manood ng F1 sa Singapore pero mabagal umaksyon kapag kapakanan na ng sambayanang Pilipino na ang pag-uusapan.

Pahayag ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaugnay ng panibagong oil price increase na ipatutupad ng mga kumpanya ng langis ngayong araw, September 19, kaya aabot na sa P70 ang halaga ng bawat litro ng diesel.

Ayon sa mambabatas, matagal na silang nanawagan kay Marcos na maglabas ng sertipikasyon para ipasa agad ang mga panukalang batas para maibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo kasama na ang pagbasura sa excise at value added tax (VAT) sa langis subalit hindi inaaksyunan ng Pangulo.

“Pag panonood ng F1 sa ibang bansa, ambilis ng Pangulo. Pero walang aksyon pa rin sa walang ampat na taas-presyo ng langis. Oil taxes must be scrapped at the soonest time to bring urgent relief to Filipinos, and especially as world oil prices are set to further escalate in the coming months,” ani Brosas.

Maging ang panawagan aniya ng mga magsasaka na ibasura na ang Rice Liberalization Law na naging dahilan kaya nalugmok ang sektor ng pagsasaka sa bansa sa kahirapan, pagbaha ng imported rice at pagtaas ng presyo ng bigas ay hindi inaaksyunan ng Pangulo.

Taliwas aniya ito kapag inimbitahan ang Pangulo para manood ng sports ng mayayaman tulad ng F1 sa Singapore ay hindi na ito nagdadalawang-isip pumunta.

“We filed House Bill 400 seeking to scrap TRAIN Law excise tax and VAT on petroleum products as our first priority measure for the 19th Congress. We challenge the Marcos Jr. administration to certify it as urgent,” ani Brosas.

Ang oil price hike ngayong araw ay ika-11 na sa loob ng dalawang buwan.

(BERNARD TAGUINOD)

259

Related posts

Leave a Comment