LABAG sa Saligang Batas ang hindi nakabubuhay na sahod ng mga manggagawa sa bansa, lalo na sa pribadong sektor.
Ito ang ipinaalala ni Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza, kinatawan ng TUCP Party-list, kaya kailangang irebyu ang polisiya ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa pagbibigay ng dagdag na sahod.
“The right to a family living wage is guaranteed by no less than the Constitution and is, in fact, one of the standards/criteria for minimum wage fixing as stipulated in the Wage Rationalization Act,” ani Mendoza.
Gayunpaman, hanggang papel lamang na kailangang magkaroon ng nakabubuhay na sahod ang mga manggagawa, karamihan sa mga ito ay naghihirap kahit anong pagsisikap na gawin ng mga ito sa kanilang pinagtatrabahuan.
Sa katunayan aniya, ini-report ng International Labour Organization (ILO) noong 2022 na 2.22% sa working population ang nabubuhay sa “extreme poverty” dahil $1.90 lamang ang kinikita kada araw subalit walang ginagawa ang gobyerno para ipagtanggol ang mga ito.
Sa ngayon ay P537 ang minimum wage sa Metro Manila subalit ang katumbas na lamang nito noong Oktubre 2022 ay P494 na lamang dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng inflation rate, base sa report ng Ibon Foundation.
Malayong-malayo na ito sa higit P1,161 na kailangang kitaan ng isang manggagawa kada araw upang magkaroon ng maayos na buhay, base rin sa pagtataya ng Ibon Foundation. (BERNARD TAGUINOD)
