BATANGAS – Isa na namang bangkay na hinihinalang biktima ng summary execution, ang nadiskubre malapit sa isang tulay sa Brgy. Sabang, sa bayan ng Ibaan sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.
Ayon sa report ng Ibaan Police, alas-4:00 ng hapon nang makita ng mga residente ang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki habang nakahandusay, hindi kalayuan sa Sabang bridge.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman na nakagapos ang mga paa at kamay nito ng nylon cord at nakabalot ng masking tape ang mukha at ulo. Nakasuot ito ng gray t-shirt at gray and black na basketball shorts.
Isinailalim na sa pagsusuri ng SOCO ang bangkay at inaalam ang pagkakakilanlan at kung ano ang ikinamatay nito.
Ito ang ika-apat na hinihinalang salvage victim na natagpuan sa Batangas mulang nitong Enero.
Hanggang ngayon ay wala pa rin nagki-claim sa bangkay ng isang LGBT na binaril sa ulo at itinapon sa bangin sa gilid ng highway sa Brgy. Ticub Laurel, Batangas noong Enero 23.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala ang bangkay ng isang lalaki at isang babae na magkasamang sinunog sa gitna ng ginagawang kalsada sa Sityo Angara, Barangay Natipuan, Nasugbu, Batangas noong Pebrero 18. (NILOU DEL CARMEN)
