SANGGOL NALAGLAG SA TRIKE, NASAGASAAN NG JEEP, PATAY

RIZAL – Patay ang isang taong gulang na babaeng sanggol nang mahulog mula sa sinasakyang tricycle matapos mabitiwan ng kanyang kapatid sa J. Sumulong Avenue, Barangay Bagumbayan, sa bayan ng Teresa sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Teresa Police, dakong alas-10:30 ng umaga, sakay ng kanilang tricycle na minamaneho ng padre de pamilya na si Joseph Ramirez, ang mag-anak at tinatahak ang highway nang biglang nahulog ang sanggol mula sa nasabing sasakyan.

Ayon sa Teresa Police, magkaangkas sa motorsiklo ang mag-asawa at ang magkakapatid na tatlong bata ang nasa loob ng sidecar.

Isa sa mga batang kapatid ang may hawak sa sanggol na nalaglag sa hindi malamang dahilan.

Bumagsak sa kalsada ang sanggol at sa kasamaang palad ay nasagasaan pa ng kasunod na pampasaherong jeep.

Isinugod sa ospital ang sanggol subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Ikinustodiya ng Teresa Police ang tatay ng biktima at ang driver ng jeep upang mabatid kung may pananagutan ang mga ito sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)

137

Related posts

Leave a Comment