SANGGOL PATAY SA SUNOG SA CAGAYAN DE ORO CITY

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang sanggol sa nangyaring sunog na tumupok sa 15 kabahayan sa Brgy. Balulang sa lungsod na ito, noong Huwebes ng hapon.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente kung bakit hindi nailabas ang isang taong gulang na sanggol mula sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.

Ayon sa Cagayan de Oro City BFP, dakong ala-1:00 ng hapon nang sumiklab ang sunog sa mga kabahayan sa Purok Manggahan na agad itinaas sa ikalawang alarma.

Sinasabing nagsimula ang apoy sa bahay ng isang residenteng si Mary Grace Corpuz subalit hindi pa matiyak ang dahilan.

Mabilis ang naging pagkalat ng apoy dahil yari sa light materials ang karamihan sa mga bahay.

Sa taya ng BFP, aabot sa higit P350,000 ang halaga ng pinsala sa nasabing sunog.

Pansamantalang inilikas sa evacuation center sa barangay ang apektadong mga residente mula sa nasunog na 15 kabahayan.

Agad namang nagpaabot ng tulong ang Cagayan de Oro City LGU sa mga nabiktima ng sunog.

(NILOU DEL CARMEN)

257

Related posts

Leave a Comment