SARADONG KORTE NADAGDAGAN

UMABOT na sa 27 ang mga korte na pansamantalang sarado habang sinasalanta muli ang bansa ng COVID-19 surge.

Pinahintulutan ng Supreme Court ang pansamantalang pagsasara ng ilang korte sa Apayao; Puerto Princesa City; Masbate; Siquijor; Zamboanga Del Norte; Zamboanga Sibugay; Lanao Del Norte; Davao De Oro; Davao Oriental; North Cotabato; Sarangani; Sultan Kudarat; Surigao Del Norte; Maguindanao; at Basilan.

Sa inilabas na SC Circular, sinabi ni Deputy Court Administrator Raul Villanueva na kailangang sumunod sa pagsasara ang mga huwes, empleyado ng korte at maging mga kliyente hanggang sa katapusan ng buwan ng Enero.

Unang ipinasara ang mga korte sa Kalinga, Ifugao, Mountain Province at Northern Samar makaraang ilagay ang mga ito sa Alert Level 4 ng pamahalaan.

Sinabi pa ni Villanueva na sakaling may pagbabago sa polisiya sa mga lugar na inilagay sa Alert Level 4, nararapat na agad itong iparating ng mga huwes sa Office of the Court Administrator para mabigyan ng kaukulang aksyon. (RENE CRISOSTOMO)

Related posts

Leave a Comment