LAGUNA- Isang sarhento ng Philippine Army ang nasugatan at napatay ang suspek na nakipagbarilan sa mga awtoridad sa isang checkpoint ng Commission on Election (COMELEC) noong Miyerkoles ng umaga sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigang Ito.
Ayon sa ulat ng Laguna Police Provincial Office (LPPO), ang biktima ay si Staff Sergeant Joel Rellosa na nakatalaga sa Parang ng Buho Army Detachment sa naturang bayan.
Samantalang ang suspek ay si Rolando Villegas Lopez, residente ng Barangay Namunga, Mabitac, Laguna.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:05 ng umaga, ang biktima kasama ang Sta. Maria Police ay nagpapatupad ng COMELEC checkpoint sa JP Rizal Provincial Road ng Barangay Cabauan sa bayan ng Sta. Maria.
Nang dumating umano ang suspek ay nanlaban ito nang sitahin at namaril naging dahilan upang tamaan ng bala sa kanang binti si Rellosa.
Gumanti ng putok ang mga nakabantay sa checkpoint at tinamaan ang suspek na ikinamatay nito.
Agad namang isinugod sa Sta. Cruz Medical Hospital si Rellosa.
(NILOU DEL CARMEN)
97