Sariling resolusyon ‘binabali’ ng MCBOC? PAGBILANG NG BOTO SA M’LA CITY HALL PINALAGAN

PINALAGAN ng abogado at tumatakbo sa Konseho ang desisyon ng Manila City Board of Canvassers ng Commission on Elections (Comelec) na sa loob ng session hall ng Manila City Hall gawin ang pagbibilang ng mga balota sa May 9 national and local elections.
Nakapaloob sa ilang pahinang petisyon na isinumite ni Atty. Eduardo ‘Bimbo’ Quintos sa Comelec na dapat gawin ang canvassing sa isang lugar na hindi kontrolado ng sinomang tumatakbong kandidato o partido.
Si Quintos ay kandidato para konsehal sa ika-4 na distrito ng Maynila sa ilalim ng PDP-Laban.
Ani Quintos, ang desisyon ng MCBOC sa pangunguna ni Atty. Gregorio Bonifacio ay isang malinaw na paglabag sa Resolution 10731 na nagsasaad sa Section 22, sub-paragraph (3) na “ang lugar kung saan maaaring ilipat ang canvassing, dapat matatagpuan lamang sa isang pampublikong gusali o kung walang mahanap, sa isang pribadong gusali, sa kondisyon na ang alinman hindi dapat pagmamay-ari, inupahan, o okupado ng sinomang nanunungkulan na opisyal o kamag-anak sa loob ng ikaapat na antas ng pagkakaugnay bilang magkadugo o may kaugnayan sa isa’t isa, o sinomang opisyal ng gobyerno o pinuno ng anomang partido, grupo, paksyon, o sa alinmang gusali o nakapalibot na lugar sa ilalim ng aktwal na kontrol ng isang pribadong partido o organisasyong panrelihiyon.”
Ayon din sa kalatas na pirmado ni Bonifacio at iba pang mga kasapi ng MCBOC noong Abril 22, 2022, sa Session Hall ng Manila City Council na nasa ikalawang palapag ilalagay ang ‘consolidated canvassing system’ (CCS) na tatanggap naman ng mga ‘electronically-transmitted election returns’ (ERs) sa araw ng halalan.
Gaganapin naman ang paglalagay ng mga selyo sa mga gagamiting ‘VCMs’ (vote counting machines) sa harapan ng mga kinatawan ng mga kandidato at political parties sa anim na distrito ng Maynila sa Mayo 4, 2022.
Ani Quintos, taliwas sa sinasabi ni Bonifacio, “malinaw” na pinahihintulutan ng Resolution 10731 ang paglipat ng canvassing sa isang neutral na lugar upang maprotektahan ang integridad ng mga boto.
Bilang pagsunod sa itinatakda ng batas, kalimitang ginaganap ang canvassing ng mga boto sa Maynila sa Rizal Coliseum na pag-aari ng national government sa mga nakaraang eleksyon.
Ipinunto pa ni Quintos na ang Manila City Hall ay nasa aktwal na kontrol “ng isang kandidato at partido, at nasa direktang pangangasiwa ni Aksyon Demokratiko Chairperson Mayor Isko Moreno Domagoso at ni Asenso Manilenyo Chairperson Vice Mayor Honey Lacuna.”
Umaasa si Quintos na agarang aaksyunan ng Comelec ang kanyang petisyon na mailipat sa ibang lugar ang pagbibilang ng mga balota sa araw mismo ng halalan. (JULIET PACOT)
125

Related posts

Leave a Comment