TAGAYTAY CITY – Patay ang isang babae habang sugatan ang asawa nito nang bumangga ang minamanehong Toyota Grandia ng huli sa isang konkretong poste sa gilid ng kalsada sa lungsod na ito, noong Sabado ng gabi.
Kapwa isinugod sa ospital ng Tagaytay ang mag-asawang sina Patrick Ambat y Tactay, 33, at Juvy Ambat y Mortel, 38, subalit hindi umabot nang buhay ang ginang.
Ayon sa ulat, minamaneho ni Patrick ang isang Toyota Hiace GL Grandia na may plakang DEZ 4132, kasama ang kanyang asawa at binabagtas ang east direction patungo sa Tagaytay City.
Ngunit pagsapit sa kahabaan ng Tagaytay-Maitim Bypass Road sa Brgy. Maitim II West, Tagaytay City nang umano’y nawalan ng kontrol sa manibela si Patrick at bumangga sa isang konkretong poste sa gilid ng kalsada ang sasakyan dakong alas-6:30 ng gabi, naging dahilan ng pagkamatay ng ginang.
(SIGFRED ADSUARA)
267