NATANGGAP ng Marikina City government ang 2024 Seal of Good Local Governance (SGLG), ang ikalawang sunod na taon na nakuha ng siyudad ang prestihiyosong pagkilala sa pamumuno ni Mayor Marcy Teodoro.
Kabilang ang Marikina City sa 14 na lokal na pamahalaan ng National Capital Region (NCR) na nakatanggap ng SGLG, ayon sa listahang inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nagpaabot ng pagbati ang Mayors for Good Governance (M4GG) kay Teodoro at iba pang mayor na kabilang sa grupo na nakatanggap ng SGLG.
“Congratulations sa 102 nating kasamang alkalde sa Mayors for Good Governance matapos parangalan ang kanilang mga LGU ng Seal of Good Local Governance 2024,” wika ng M4GG.
“Patunay lamang ito ng inyong dedikasyon para sa mabuting pamamahala sa pamamagitan ng mahusay na paglilingkod, pagiging tapat, at pakikipag-ugnayan sa taumbayan para sa ikabubuti ng inyong mga bayan,” dagdag pa nito.
Binubuo ng mahigit 150 lokal na punong ehekutibo, layunin ng M4GG na labanan ang katiwalian at ipaglaban ang transparency, inobasyon, at mabuting pamamahala.
“Nagpapasalamat tayo sa napakalaking pagkilalang ito na nakamit ng ating siyudad sa ikalawang sunod na taon sa pamumuno ni Mayor Marcy Teodoro,” wika ni Marikina 1st District Rep. Maan Teodoro.
“Pinapatunayan ng award na ito na epektibo ang mga pagkilos ng lokal na pamahalaan ukol sa good governance at mga programa’t proyekto natin para sa mga taga-Marikina,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Teodoro, sinimulan ng lokal na pamahalaan ang dredging ng Marikina River bilang pangunahing proyekto nito. Resulta nito, nabawasan nang malaki ang pagbaha tuwing may bagyo at malakas na ulan.
Naglaan din si Rep. Teodoro ng pondo para sa patuloy na dredging, na nagpalawak sa lapad ng ilog mula 50 metro hanggang halos 100 metro, kaya’t nadagdagan ang kapasidad ng ilog at napigilan ang pag-apaw at pagbaha sa lungsod.
Bumili rin ang pamahalaang lokal ng amphibious long-arm backhoe upang mapabuti ang pagpapatupad ng proyekto.
Napansin ng mga residente na epektibo ang inisyatibang ito dahil mabilis nang humupa ang tubig-baha sa mga nakaraang bagyo.
“Sobrang nagpapasalamat po kami sa Panginoon, at tsaka kay Ma’am Maan (Teodoro) at kay Mayor dahil nagawan po ng paraan,” ani Joan Rebenito, residente ng Barangay Barangka.
“Malaking bagay po iyong paghuhukay dito, nalaliman po. Iyong dati at ngayon, iba po ngayon,” dagdag pa niya.
Ikinatuwa rin ni Judy Queno, residente ng Barangay Tumana ng mahigit 30 taon, ang pagbabagong dulot ng dredging.
“Hindi na umakyat. Wala na, wala nang tubig. Napaka-epektibo talaga. Ngayon lang namin ito nararanasan. Isipin mo iyon,” wika niya.
Ang SGLG ay iginagawad sa isang LGU batay sa kakayahan nitong ipakita ang husay sa sampung aspeto ng pamamahala: financial administration and sustainability; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health compliance and responsiveness; sustainable education; business-friendliness and competitiveness; safety, peace, and order; environmental management; tourism, heritage development, culture, and arts; at youth development.
Ipinatutupad sa ilalim ng Republic Act No. 11292, ang SGLG ay institutionalized program na nagbibigay parangal at insentibo at naglalayong palakasin ang dedikasyon ng mga LGU na patuloy na paghusayin ang kanilang kakayahan sa iba’t ibang aspeto ng pamamahala.
45