SINUSPINDE ni Subic Bay Metropolitan Authority chairperson and administrator Jonathan Tan sina Seaport department manager Jerome Martinez at consultant Rico Reyes kasunod ng nabunyag na umano’y pangingikil ng mga ito sa Subic Bay Freeport.
Nauna rito, nagreklamo ang mga broker sa talamak anilang pangongotong sa mga shipment sa Subic Bay Freeport.
Matapos mangalampag ang mga broker, nagpatawag ng pulong sa Boardroom ng SBM Administration Building si Tan na dinaluhan din ni Zambales District 1 Representative Jay Khonghun.
Sa reklamo ng ilang locators, hindi umano pinalulusot ang kanilang mga shipment palabas ng freeport gayung may clearance at kumpleto naman ang kanilang dokumento.
Depensa naman ni Tan, wala umano silang kapasidad na harangin ang mga shipment ng mga investor at locators kung kumpleto ang dokumento nito at nagbayad ng tamang buwis.
Aniya, ang SBMA lamang ang nag-ooperate ng port habang ang Bureau of Customs (BOC) naman ang nagbabantay at nagpoproseso sa mga shipment ng port users na dumadaan lang sa Subic Freeport.
Nabatid na itinuro ng mga nagrereklamong brokers at processors sina Martinez at Reyes na nasa likod ng kotongan sa SBMA.
Noong 2015, inireklamo na rin si Martinez ng dishonesty, gross misconduct, grave abuse of authority, at oppression ng isang locator sa Subic Freeport.
Samantala, sa Subic port rin nagmula ang nasabat na P3.6-B droga sa Pampanga kamakailan.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
