IGINIIT ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi dapat gamiting benchmark ng employment rate ng bansa ang mga seasonal employment at sa halip ay isulong ang mas marami pang de kalidad na trabaho.
Sinabi ng principal sponsor at author ng Trabaho Para sa Bayan Act, inaasahan na tataas ang hiring ngayong holiday season subalit hindi ito dapat maging dahilan upang tigilan ang pagbuo ng mga dagdag trabaho.
Kasabay nito, muling iginiit ni Villanueva ang agarang pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations para sa Trabaho para sa bayan act upang gawing sentro ng industrial policy ang mahahalagang reporma sa pagbuo ng disenteng trabaho.
Nangako ang senador na patuloy na babantayan ang pagtugon ng National Economic Development Authority sa commitment nito sa timeline, mga plano at konsultasyon sa pagpapatupad ng batas.
Iminungkahi rin ni Villanueva ang paglalaan ng P5 milyong inisyal na pondo para masimulan ang programa.
Nitong Setyembre 2023, nakapagtala ng 4.5 percent na unemployment rate ang bansa na mas mataas sa 4.4% sa nagdaang buwan.
(DANG SAMSON-GARCIA)
156