SEGURIDAD SA PISTA NG STO. NIÑO KASADO NA – MPD

BUONG pwersa ng Manila Police District, mga miyembro ng Bureau of Fire Protection, mga tauhan ng Manila Metropolitan Development Authority at mga pribadong grupo ng bikers sa Divisoria ang magbabantay sa kabuuang pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño de Tondo at sa Sto. Niño de Pandacan.

Nauna nang nagtipon-tipon ang mga tauhan ng 14 istasyon ng MPD sa harap ng simbahan ng Tondo bandang alas-4:00 ng hapon noong Biyernes, sa pangunguna ni MPD Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon.

Inatasan ni Dizon ang kanyang mga tauhan na huwag kaligtaan ang iniatang sa kanilang tungkulin. Kung kailangan umano ay bigyan lamang ng warning ang mga hindi sumusunod sa mga regulasyon at kung magpapatuloy pa ang mga manggugulo o mag-iinuman sa kalye ay pwede na silang arestuhin
Dapat umanong pairalin ang “maximum tolerance” sa mga posibleng magpapasaway na mga indibidwal.

Pinayuhan din niya ang kanyang mga tauhan na pag-ibayuhin ang seguridad tulad ng ipinatupad sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo na payapang nairaos at walang nangyaring anomang kaguluhan.

Kaugnay nito, nasa heightened alert ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa nasabing kapistahan ngayong Linggo.

Ayon kay NCRPO Spokesperson, P/Lt. Col. Dexter Versola, walang magbabago sa kanilang template ng seguridad na ginamit noong Pista ng Itim na Nazareno.

Sabi pa ni Versola, magpapatuloy ang latag ng seguridad hanggang sa pagdiriwang ng Chinese Lunar New Year sa Enero 22.

Tiniyak niyang wala silang namo-monitor na anomang banta sa seguridad subalit mananatili silang naka-heightened alert upang masigurong mairaraos nang mapayapa ang nasabing mga pagdiriwang o okasyon. (RENE CRISOSTOMO/DAVE MEDINA)

42

Related posts

Leave a Comment