NAGKAISA sina Senator Imee Marcos at Manila mayoralty bet Atty. Alex Lopez para sa rehabilitasyon at renobasyon ng Golden Mosque and Cultural Center sa Globo de Oro St., Quiapo, Manila.
Kasabay nito, sumuporta ang nakatatandang kapatid ni presidential frontrunner Bongbong Marcos Jr. kay Atty. Lopez sa kandidatura nito bilang Ama ng Maynila.
Naganap ang unang pagtaas ni Sen. Imee sa kamay ng panganay na anak ni Ex-mayor Mel Lopez sa pagsisimula ng Ramadan, banal na buwan ng mga kapatid na Muslim, noong Linggo sa Golden Mosque.
Layunin ni Lopez na muling pagandahin ang sambahan ng mga Muslim upang maging ‘world class’ at dayuhin ito ng mga investor buhat sa Gitnang Silangan.
Tumanggap sina Atty. Alex at Senator Imee ng Certificate of Appreciation mula sa administrasyon ng moske dahil sa kanilang pagsuporta at pagsali sa clean-up drive na ginanap bilang paghahanda sa banal na buwan ng Ramadan.
Kasabay nito, nagpakuha rin ng larawan ang dalawa kasama si Mosque Administrator Sultan Omar Pumbaya habang itinaas ang kamay ni Atty. Alex upang ipakita ang kanilang matatag at buong pagsuporta sa kandidatura nito bilang mayor ng lungsod ng Maynila, gayundin kay BBM bilang presidente.
Buong pusong nagpasalamat ang mga lider ng komunidad sa mga kabutihan ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos. Isa na rito ang pagpapalabas ng PD 1083 o ang batas na kumikilala sa Shari’a Law sa Pilipinas.
Matapos ang maikling kamustahan, pumasok sina Atty. Alex at Senator Imee sa moske at nag-alay ng dasal ang mga kapatid na Muslim para sa panalo at tagumpay sa darating na halalan.
Inalala ni Senator Imee ang pagkupkop ng mga Arabong bansa sa kanilang pamilya noong 1986. Sinabi niya na matagal na siyang bumibisita sa moske kahit hindi panahon ng Ramadan. (JULIET PACOT)