PIHADONG sa kulungan magbabakasyon sa nalalapit na Mahal na Araw ang tinaguriang ‘Sibuyas Queen’ dahil sa muling ‘di pagdalo sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng kontrobersyal na agri-smuggling.
“Submit a written explanation to this committee why your client should be subjected into contempt,” direktiba ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., sa abogado ni Leah Cruz.
Sa simula ng imbestigasyon, kinuwestyon ng mga mambabatas ang abogado ni Cruz kung bakit hindi ito dumalo gayung pinadalhan ito ng imbitasyon ng komite na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga.
Sa paliwanag ni Atty. Kenneth Brian Tegio, may ‘prior commitment’ umano si Cruz sa mga magsasaka sa probinsya bago matanggap ang imbitasyon ng komite.
Gayunpaman, hindi nasagot ni Tegio ang tanong ni Barzaga kung sino-sino ang mga magsasaka at saang probinsya nagpunta si Cruz.
Dahil dito, binigyan ng isang oras ang abogado para makipag-ugnayan kay Cruz. Matapos ang itinakdang oras, bigo ang abogado na magbigay kasagutan sa tanong ng mga kongresista.
Sa kabila pa ng pangako ni Tegio na makikipagtulungan ang ‘Sibuyas Queen’ sa House committee, nanatiling diskumpyado si Barzaga, kaya iniatas na magsumite ng mga ebidensyang patunay ng inilahad na alibi sa hindi pagsipot ni Cruz.
Babala pa ng kongresista, iko-contempt si Cruz sa aniya’y gawa-gawang dahilan para bigyang katwiran ang pagliban sa pagdinig ng Kamara.
Karaniwang pinipiit ng Kongreso ang mga inaanyayahang resource persons na ayaw makipagtulungan sa isinasagawang ‘investigation in aid of legislation.’ (BERNARD TAGUINOD)
