Sindikato, ilegal sa Laguna pupulbusin COL. RANDY GLENN SILVIO WALANG SINISINO

(LILY REYES/JESSE KABEL)

ASAHAN ang mas agresibong tugon ng kapulisan kontra krimen sa Laguna, pagtitiyak ni Col. Randy Glenn Guiriba Silvio ng Philippine National Police Academy Kapanalig Class of 1997 makaraang hirangin bilang bagong provincial director ng naturang lalawigan.

Babala ni Silvio, hindi niya pahihintulutan maging kanlungan ng mga nagtatago sa batas ang Laguna, kasabay ng pagtitiyak na tutugunan ang lahat ng idudulog sa kanilang mga himpilan – droga, ilegal na pasugalan, nakawan, bentahan ng laman at iba pang krimeng bumalot sa lalawigan sa mahabang panahon.

Aniya, ‘di rin niya kukunsintihin ang mga abusado at utak-sindikatong pulis sa kanyang nasasakupan.

Pagkagaling sa PNPA, agad na sumabak si Silvio (kasama ang 19 pang ibang PNPA graduates) sa PNP Special Action Force (1997 hanggang 2001) kung saan siya kinakitaan ng tapang sumagupa sa mga kalaban ng batas.

Taong 2001 naman nang italagang Company Commander ng 21st  Company, 2nd Battalion SAF na nakabase sa Camp Asturia sa bayan ng Jolo (lalawigan ng Sulu) at Battalion Staff Officer hanggang sa ilipat sa Laguna Provincial Police Office kung saan siya nanungkulan bilang Training Officer ng mga PNP Scouts hanggang taong 2005.

Sa naturang panahon, dalawang ulit siyang nahirang bilang Chief of Police at Junior Officer ng 405th Provincial Mobile Group, hanggang sa napisil na maging Aide de Camp ni dating PNP director-general Arturo Lomibao.

Nang magretiro si Lomibao, isa naman si Silvio sa mga nagprisintang lumipad patungo sa Timor Leste bilang bahagi ng UN Mission peacekeeping corps.

Nang makabalik mula sa UN Mission, sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) naman nagpamalas ng husay ssi Silvio kung saan siya nakasungkit ng mga sensitibong pwesto kabilang ang punong opisyal sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Pampanga at Santiago City sa Isabela.

Pinamunuan din niya ang Major Crime Investigation Unit (MCIU) at Intelligence Division bago pa man tuluyang naging Regional Chief ng CIDG-Region XIII hanggang sa itinalaga para pamunuan ang Regional Comptroller Division ng naturang rehiyon.

Sa gitna ng pandemya, itinalaga naman si Silvio bilang Commander RMFB ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung saan niya pinangunahan ang 1,700 personnel mula Mayo 2020 hanggang Nobyembre 20, 2021.

Mula sa NCRPO, kinailangan naman ang husay ni Silvio sa Meticulous Strategic Planning kung saan niya pinasimulan ang mga reporma sa umiiral na sistemang kalakip ng pangangalap ng mga impormasyon kaugnay ng opensiba kontra kriminalidad at terorismo.

Higit na kilala ang nasabing opisyal sa mga pagbabago gamit ang makabagong teknolohiya sa Comptrollership Division ng PRO XIII kung saan unang sumipa ang “hustle-free financial transactions” sa Claims and Information System. Sa kanya rin pinaniniwalaang nagsimula ang electronic at paperless transactions ng nabanggit na PNP regional office.

Sa isang pahayag, sinabi ni Silvio na bukod sa modernisasyon ng PNP, higit na kailangan maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan sa pamamagitan ng maagap na tugon sa mga sumbong, reklamo at tawag ng saklolo – nang walang pinipiling estado – kesehodang pobre, may kaya o taong gobyerno.

“Panahon na para ibalik ang tiwala ng mga tao sa pulis,” ani Silvio na umani ng iba’t ibang pagkilala kabilang ang Best CIDG PCO noong 2007, Best CIDG Regional Office 13 (Category C) noong 2015, CIDG Special Awardee on the Campaign against Illegal Drugs noong 2014 at 2015, CIDG Special Awardee para sa Campaign against Loose Firearms noong 2015, CIDG Senior PCO for Operation CY 2021 at LAKAN Distinguished Award CY 2021.

167

Related posts

Leave a Comment