SINGLE TICKETING SA MM APRUB SA DILG

KINATIGAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang posisyon ng 17 alkalde ng Metro Manila, kaugnay ng isinusulong na single-ticketing system para sa mga paglabag sa batas trapiko National Capital Region.

Bukod sa single ticketing, nagpahayag din ng suporta si DILG Secretary Benhur Abalos sa moratorium sa pangungumpiska sa lisensya sa mga motorista sa pagpasok ng unang tatlong buwan ng susunod na taon.

Sa isang pulong na nilahukan ng Metro Manila Council, Metro Manila Development Authority (MMDA) at ang Land Transportation Office (LTO), napagkasunduan ng mga  alkalde na magpasa ng ordinansang sumusuporta sa single ticketing system at pagpapaliban sa pagkumpiska ng lisensya ng mga tsuper na lumabag sa batas-trapiko.

Sa ilalim ng nasabing sistema,  ipapasa ng Metro Manila LGUs ang kanilang traffic violation citations sa LTO na siya namang magtatala ng mga paglabag bilang bahagi ng demerit system nito.
Tampok rin sa isinusulong na sistema ang probisyong suspensyon sa bisa ng lisensya  sa hudyat ng 10 paglabag sa umiiral na batas-trapiko.

“We hope the upcoming implementation of this system will put to rest issues on the confiscation of licenses and will lead to better enforcement of traffic rules and regulations for the benefit of motorists and commuters alike,” pahayag ni Abalos.

“Kaisa ninyo po ang DILG, ang Metro Manila Council, MMDA at LTO sa patuloy na pagpapatupad ng batas trapiko at pagtataguyod ng mahusay na transportasyon sa Metro Manila,” dagdag pa niya. (LILY REYES)

32

Related posts

Leave a Comment