SUGATAN ang isang kandidatong SK kagawad at ang kapatid nito matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek habang natutulog sa kanilang bahay sa Barangay Matolato, sa bayan ng Leyte, sa lalawigan ng Leyte, noong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si SK kagawad candidate Gino Paglinawan, 19-anyos, at kapatid nitong si Toriano Paglinawan, 22-anyos.
Ayon sa report ng Leyte Municipal Police Station, natutulog sa loob ng bahay ang magkapatid nang paulanan ng bala ang mga ito ng dalawang suspek na pumuwesto sa kalsada sa labas ng bahay.
Agad ding tumakas ang mga suspek habang isinugod ang mga biktima sa Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam ang motibo at ang posibleng mga suspek sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
195