SOCIAL SKILLS NG KABATAAN TUTUKAN SA PAGBABALIK NG F2F CLASSES

APEKTADO ang social skills ng mga kabataan matapos ang mahigit isang taong walang face-to-face classes. Ito ang isa sa mga obserbasyong ibinahagi ni Senador Win Gatchalian sa kanyang pagsusuri sa pagbubukas ng limited face-to-face classes sa National Capital Region (NCR).

Naglibot si Gatchalian sa mga paaralan sa Valenzuela na lumahok sa limited face-to-face classes. Sa kanyang pag-iikot, iniulat ng mga guro at mga school official sa senador ang kanilang obserbasyong apektado ang social skills ng mga kabataan matapos ang mahigit isang taon ng distance learning.

Giit ni Gatchalian, hindi lamang academics ang dapat tutukan pagdating sa learning recovery. Aniya, dapat ding bigyan ng pagpapahalaga ang social at emotional development ng mga kabataan.
“Nakita natin na mahalaga ang face-to-face classes hindi lang dahil sa academics, dito rin sila natututo pagdating sa kanilang social skills,” pahayag ng senador.

Matatandaang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2355 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act upang magtatag ng learning recovery program sa buong bansa. Layon ng panukalang ARAL Program na matulungan ang mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang mga aralin. Tututukan ng naturang programa ang “most essential learning competencies” sa Language, Mathematics, at Science.

Maliban sa academics, tututukan din ng panukalang programa ang pagbibigay ng sapat na probisyon sa pangangailangang pang-nutrisyon, social, emotional, at mental health ng mga mag-aaral.

Bagama’t ang Omicron variant ng COVID-19 ay hindi pa nadidiskubre sa bansa, binigyang diin ni Gatchalian na hindi ito dapat maliitin lalo na’t nadadagdagan ang bilang ng mga paaralang sumasali sa pilot implementation ng limited face-to-face classes.

Noong Disyembre 6, mahigit dalawang libong mag-aaral mula sa dalawampu’t walong mga paaralan sa NCR ang lumahok sa dry run ng limited face-to-face classes.

Umaasa si Gatchalian na makalalahok na ang lahat ng mga mag-aaral sa limited face-to-face classes sa Enero 2022. Ngunit aminado siya na maaaring makaapekto rin sa binabalak na pagpapalawig ng face-to-face classes ang banta ng Omicron variant, lalo na kung mapapatunayang mas nakakahawa ito. Nadiskubre na sa halos apatnapung (38) mga bansa ang Omicron ngunit wala pang pasyente ang naiulat na namatay kaugnay nito.

“Kung ang Omicron ay hindi naman malala, sa tingin ko kayang magbukas ng limited face-to-face classes ang iba pang mga paaralan sa Enero. Pero kapag ang Omicron ay malala, wala tayong magagawa kundi maging mas maingat at baka pwedeng ipagpaliban pa ang pagbubukas ng mas maraming paaralan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (ESTONG REYES)

91

Related posts

Leave a Comment