Solon kay Duterte AFP, PNP ‘WAG KALADKARIN SA PULITIKA

PINAGSABIHAN ng isang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag kaladkarin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pulitika.

Noong Sabado, sinabi ni Duterte na mag-ingat ang Kongreso sa AFP at PNP kaugnay ng pagsasanib puwersa umano nina House Speaker Martin Romualdez at ACT Party-list Rep. France Castro na umano’y miyembro ng Communist Party of the Philippines.

“I respectfully appeal to former President Rodrigo Duterte to recognize the paramount importance of keeping our Armed Forces and National Police free from partisan politics. These institutions serve as the bedrock of our nation’s security, and their effectiveness relies on unity and impartiality,” ani House Majority Leader Manuel Jose Dalipe .

Ayon sa mambabatas, walang basehan ang alegasyong ito ni Duterte kaya hindi umano dapat kaladkarin ang AFP at PNP sa pulitika. Bilang dating lider aniya ng bansa ay dapat isaalang-alang nito ang kabutihan ng bansa at hindi ang interes sa pulitika.

Sinabi ni Dalipe na malayo-layo na ang narating ng AFP at PNP kaya hindi umano dapat isali ang mga ito sa pulitika dahil masasayang lamang ang accomplishments ng mga ito kapag nagkataon.

Umapela rin ito sa AFP at PNP na magpokus sa kanilang tungkulin base sa nakasulat sa Konstitusyon, at patuloy na ipagtanggol ang demokrasya at soberenya ng bansa at iwasan ang pulitika.

“The AFP and the PNP have more important things to do than watching Congress, as claimed by the former President. Our uniformed service must be insulated from partisan activities and should maintain the highest degree of professionalism. Huwag na sana niyang idamay ang AFP at PNP,” ayon pa kay Dalipe.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na binakbakan ni Duterte ang Kongreso lalo na si Romualdez, matapos tanggalin ang confidential funds ng kanyang anak na si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte.

(BERNARD TAGUINOD)

151

Related posts

Leave a Comment