KUNG mayroong dapat asikasuhin ang bagong halal na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials, ito ay ang mga bisyo sa kanilang mga barangay partikular na sa sugal at sigarilyo.
Ito ang pahayag ni Manila Rep. Bienvenido Abante, chairman ng House committee on human rights.
Bukod dito, pinayuhan ni Abante, ang mga bagong halal na opisyal na huwag magpatianod sa sistema at tuparin ang kanilang pangakong pagbabago sa kanilang barangay.
“The erosion of our values can either be prevented or abetted in our communities. I pray that our new barangay leaders choose to shield our people from the temptations of vice,” pahayag ng mambabatas.
Ayon sa mambabatas, habang tumatagal ay parami nang parami ang nalululong sa online gambling tulad ng e-sabong, kung saan hindi lamang matatanda ang tumataya kundi maging ang mga kabataan.
Maging ang pagkalulong ng mga kabataan sa sigarilyo ay lubha aniyang nakababahala dahil base sa Philippines Global Adult Tobacco Survey, 19.5% sa populasyon ng Pilipinas ang naninigarilyo.
Sa nasabing bilang, 18.5% sa mga ito ay tobacco smokers habang ang natitirang 1.5% ay gumagamit ng smokeless tobacco product o ang tinatawag na e-cigarettes na mapanganib aniya sa kalusugan ng mga tao.
(BERNARD TAGUINOD)
263