STL SA QC PRENTE NG ILLEGAL GAMBLING

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

GINAGAMIT na prente ng bookies o ilegal na sugal ang operasyon ng Small-Town Lottery (STL) sa Quezon City.

Ito ay matapos matuklasan na walang lisensya mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang Lucent Gaming and Entertainment OPC na nagpapatakbo ng STL sa lungsod.
Base sa dokumentong nakuha ng SAKSI Ngayon, wala nang bisa ang lisensya ng nasabing kumpanya ngunit patuloy itong nakapag-ooperate.

Nabatid na inireklamo na ni Melchor Guingab, Administrative Officer-QC Cares kay Melquiades Robles, General Manager ng PCSO nitong Setyembre 3, 2022 ang Lucent Gaming and Entertainment OPC na pag-aari ni Ronald Pagulayan na umano’y kamag-anak ng dating General Manager ng PCSO na si Royina Garma.

Sa reklamo ni Guingab, itinuturing na paglabag sa batas ang pagbibigay ng lisensiya ng PCSO kay Pagulayan dahil kamag-anak nito si Garma.

Ang sinomang opisyal o director ng PCSO ay hindi maaaring payagan na makapag-operate at bigyan ng lisensiya ng STL dahil sa pagkakaroon ng “conflict of interest”.

Bukod dito, may mga isyu rin umano ang kumpanya ng kabiguan o pagkaantala ng pagbibigay ng araw-araw na remittance, base pa rin sa sinumpaang salaysay ng nagrereklamo.

Nabatid ng SAKSI Ngayon na isang Procerfina Terrie ang kinontrata ni Pagulayan para humawak ng STL sa Quezon City sa ilalim ng kanyang anak na si Richelle Rose Labrusa na siyang humarap sa MOA bilang sub-contractor ng Lucent Gaming and Entertainment OPC.

Subalit napag-alaman na si Terrie ay blacklisted o bawal na humawak ng negosyo mula sa PCSO.

Taliwas din ito sa inilabas na Memorandum Circular No. 3 ni Executive Secretary Vic Rodriguez.

Nakasaad sa memo na extended hanggang katapusan ng Disyembre ngayong taon ang tenure o panunungkulan ng lahat ng officers-in-charge (OICs) sa mga ahensya na nasa ilalim ng Executive department” na epektibo, tanghali noong Hunyo 30, 2022.

Gayundin, nakasaad sa MC No. 3 na ang mga sumusunod ay ipinagbabawal na pumasok sa bagong kontrata o proyekto o gumasta ng extraordinary  funds, “OICs of departments , offices, agencies, instrumentalities and bureaus covered herein; GOCCs, government instrumentalities with corporate powers, government corporate entities, and government financial institutions, until such time that new sets of appointive  directors have been appointed and chief executive officers elected in accordance with their respective charters, articles of incorporation and by-laws in relation to Republic Act 10149 or the GOCC Governance Act of 2011; and free port and special economic zone authorities, until such time that new sets of appointive directors have been appointed and chief executive officers elected.”

Pagkatapos ng Hunyo 30, ay walang naganap na renewal sa lisensiya ng Lucent Gaming and Entertainment OPC subalit patuloy silang nag-o-operate sa Quezon City.

Nitong Martes ng alas-7:40 ng gabi, sinalakay ng Anonas Police Station (PS-9) ang operasyon umano ng “EZ 2 Bookies” sa Krus na Ligas kung saan apat katao ang naaresto.

Samantala, isang nagngangalang Christian ang lumutang sa istasyon ng pulisya at ipinakita ang renewal ng lisensiya ng STL ng Lucent Gaming and Entertainment OPC na pirmado ng isang Atty. Patia. Gayunman, wala na umanong bisa ang nasabing renewal dahil bago na ang pamunuan ng PCSO.

Lumutang din ang pangalan ng isang General Pamitan na umaarbor umano sa mga nahuli.

20

Related posts

Leave a Comment