SULU MABOBOKYA SA PONDO

MABOBOKYA sa pondo ang lalawigan ng Sulu kung hindi agad kikilos ang Department of Budget and Management (DBM) para pondohan ang mga pangangailangan ng nasabing lalawigan, partikular na sa serbisyo at pagpapasweldo sa mga empleyado.

Ginawa ni House Deputy Minority Leader Basilan Rep. Mujiv Hataman ang babala matapos maging pinal ang desisyon ng Korte Suprema na ihiwalay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang lalawigan ng Sulu.

“Hindi maaaring maantala ang mga serbisyong ng lokal na pamahalaan ng Sulu. Nananawagan ako sa DBM at iba pang ahensya na tiyakin ang pondo para sa lalawigan. Karapatan ito ng bawat mamamayan sa Sulu mula sa national government,” ani Hataman.

Nitong nakaraang araw, ibinasura ng Korte Suprema ang lahat ng motion for reconsideration (MR) kaugnay ng kanilang desisyon na ihiwalay ang Sulu sa BARMM kaya matitigil na rin umano ang pagbibigay ng pondo ng autonomous government.

Sinabi ng mambabatas, umaabot sa P9 billion ang pondong ibinigay ng BARMM sa Sulu taun-taon kaya kung hindi agad kumilos ang DBM ay walang gagamiting pondo ang nasabing lalawigan sa mga susunod na mga araw.

“Ang mga serbisyong pangkalusugan, pang-edukasyon at pangkabuhayan ay dapat magpatuloy nang walang pagkaantala. Kasama na ang pa-sweldo sa mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Kailangang planuhin nang maayos ang proseso ng transisyon. Malaki ang epekto ng exclusion ng Sulu sa BARMM, kaya kailangan itong tutukan,” ani Hataman.

Bukod dito, kailangang isama na umano sa 2025 national budget ang pondo ng Sulu upang masiguro na may pondo ang mga ito sa susunod na taon subalit habang hindi pa naaaprubahan ang pambansang pondo ay kailangang pondohan ng DBM ang lalawigan sa natitirang araw ng taon na ito.

“Dapat ay mag-usap na ang national at provincial government kung paano sosolusyunan ang problemang ito. Sana ay magkaroon ng plano ang gobyerno para siguruhin ang kapakanan ng mga taga-Sulu dahil walang pondo ang lalawigan sa 2025 proposed national budget,” paliwanag pa ng kongresista. BERNARD TAGUINOD

40

Related posts

Leave a Comment