NAWALAN ng pagkakataon ang dalawang estudyante na maging scholar ng isang party-list group matapos punitin ng kanilang barangay captain ang pinapipirmahang certificate of indigency (COI) sa Catubig Northern, Samar.
Sa viral video sa social media, makikita na pumasok sa isang bahay ang babaeng may dala ng COI letter para papirmahan sa kapitan na kinilalang si Barangay 5 Poblacion Chairman Carlo Robis.
Nakikipag-inuman noon ang kapitan at nagkataong nasa loob ng CR nang dumating ang magpapapirma.
Nang lumabas ang kapitan, matapos abutin ang form, bigla na lamang niya itong pinunit sa harap ng may dala nito at pinalabas ang dalawang babae saka pinagsaraduhan ng pinto.
Napag-alaman na ang nasabing certificate of indigency ay para sana mabigyan ang dalawang estudyante ng scholarship mula sa Tingog Party-list.
Ayon sa social media post ng isa sa mga estudyante, labis nilang ikinalungkot ang ginawa ng kapitan dahil lamang ang kanilang pamilya ay hindi supporters ng opisyal.
Tatlong beses silang nagpunta sa bahay ng kapitan ng araw na ‘yun subalit nabigo silang makapagpapirma at sa halip ay ipinagtabuyan at pinagsarhan pa ng pinto.
Ikinagalit ng mga netizen ang pangyayari at hiniling sa DILG na imbestigahan ang pangyayari upang malaman kung naaayon ba sa tungkulin ng isang public official ang ginawa ng kapitan.
Wala pang inilalabas na pahayag ang kapitan hinggil sa pangyayari.
(NILOU DEL CARMEN)
343