SUSPENSYON SA COMPLETION NG BALOG-BALOG DAM BANTA SA MAGSASAKA

MALAKING banta sa suplay ng tubig para sa irigasyon ng malawak na plantasyon ng palay ng mga magsasaka sa Luzon ang suspensyon sa completion work ng Balog-Balog multipurpose dam, ayon sa grupo ng construction companies na nagtatrabaho para sa P5.8 bilyong dam project sa lalawigan ng Tarlac.

Nabatid na ang ITP construction Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd., consortium ng construction companies, ay nagsumite na ng liham kay Pang. Ferdinand Marcos Jr., upang magpahayag ng pagtutol sa aksyon ng kasalukuyang pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) para i-terminate ang multi-bilyong proyekto na magbebenepisyo sana sa daan-daang magsasaka sa Central Luzon.

Ayon kay Isidro Pajarillaga Jr., authorized managing office ng ITP Construction –Guangxi Hydroelectric Construction Consortium, winakasan ng NIA ang project contract sa kabila ng pagkabigo ng ahensiya na tumalima sa kanilang obligasyon sa pamamagitan ng pagresolba sa right-of-way at land possessory issues na nagresulta sa pagkaantala ng pagtatapos ng proyekto.

Sa dalawang pahinang liham na isinumite sa Office of the President at may petsang Agosto 14, 2023, sinabi nila na sa kabila ng modest accomplishments ng dam project, naantala ang konstruksiyon nito matapos mabigo ang NIA na gawin ang kanilang obligasyon para makumpleto ang konstruksyon ng water diversion tunnel.

“The tunnel is needed for a significant progress on the project. It is needed in the construction of the main dam so that the riverbed is dry and can be worked on. All dams need to be constructed with dry riverbed as the main dam has to be filled with materials on a layer-by-layer basis,” ani Pajarillaga.

Ipinaliwanag pa ni Pajarillaga na obligado ang NIA na i-deliver ang critical path para sa construction project dahil apektado nito ang buong proyekto.

Anila, sa kasamaang-palad, sinabi ng NIA na ang mga construction firm ay nagkaroon ng ‘negative slippage,’ gayung ang NIA anila ang nabigong tumupad sa kanilang obligasyon, tulad ng nakasaad sa kontrata.

Sinabi rin ng opisyal ng construction firm na ang mga patakaran sa procurement ay malinaw na ang pagsususpinde ng mga aktibidad sa kahabaan ng critical path, na hindi dahil sa anomang kasalanan ng kontratista, ay pinapayagang magpatuloy sa pamamagitan ng pagsasaayos ng oras nang naaayon.

“The bidding documents for the project specifically state that NIA may only terminate the contract for negative slippage of 15% and above due to entirely the fault of the contractor,” aniya pa.

Dagdag pa niya, “It is unfortunate that the administration of NIA decided to terminate the contract when the cause of the delay was due to NIA’s inability to deliver its obligations.”

Nauna rito, binigyang-diin ng Pangulo, na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA), na dapat makipag-coordinate ang NIA at makipagtulungan sa mga pribadong construction firms upang magamit ang dam projects, partikular na ngayong karamihan ng mga taniman sa bansa ay apektado ng climate change, gaya ng El Nino.

135

Related posts

Leave a Comment